Ang kakayahan pang pinansyal o financial literacy ay tumutukoy sa pagkakaroon ng isang indibidwal ng abilidad at kaalaman na tutulong sa kanya upang magkaroon siya ng epektibong desisyon sa kanyang mga kayamanan. Makikita sa isang indibidwal kung gaano ang kanyang kaalaman sa larangan pang pinansyal sa pamamagitan ng kanyang pamamahala rito. Maaring maubos niya ang kanyang pera o mapalago ito.

Ang Pilipinas ay kabilang sa madaming mga bansa na mabilis umunlad ang ekonomiya kaya naman mas nakokontrol ng mga mamamayang Pilipino kung saan at ano ang paggagamitan ng kani-kanilang mga pera. Ngunit paano na lamang kung hindi lubos na nauunawan ng bawat isa sa atin kung paano ang galaw ng pera at kulang ang kaalaman sa tamang paggamit nito? Ano nga ba ang kahalagahan ng financial literacy?
Inilalahad sa artikulong aking nabasa na marami raw ang pumupuna sa financial literacy ngunit wala namang nagbibigay pansin sa financial education na siyang daan patungo sa pagkakaroon ng mataas na financial literacy. Mahalaga ang pagiging financially literate sapagkat tayo ay mga mamimili ng iba’t ibang produkto at serbisyo. Mahalaga na alam natin ang mas praktikal at mas angkop na desisyon kapag tayo ay namimili o kumukuha ng serbisyo. Mahalaga din na may sapat tayong kaalaman sa usaping pinansyal sapagkat ang merkado ay pabago bago at marami ang maaaring makaimpluwensiya sa pagbabago na ito, kaya naman kung may sapat na kaaalaman tayo ay maaari nating maobserbahan ang mga pagbabago upang alam na natin ang maaaring mangyari sa mga presyo ng produkto o ano pa man sa mga darating na panahon. Ngunit hindi natin makukuha at matututunan ang mga kaalaman na tungkol sa pinansyal kung wala ang edukasyon nito.

Ang kaalaman ng mga Pilipino sa larangan ng pinansyal ay mababa at ito ay nakababahala. Sinasabi sa akda na ang sanhi nito ay ang pagkakaroon ng kakulangan sa edukasyon ng mga mag-aaral na tumatagal hanggang sila ay lumaki. Maraming mga batayang inilahad sa akda katulad na lamang ng mga impormasyon mula sa Bangko Sentral ng Pilipinas at World Bank. Ayon sa dalawang ito, may mababang porsyento ng populasyon ang may sapat na kaalaman sa nasabing suliranin. Naniniwala ang BSP na ang mga mamamayang may sapat na kaalaman patungkol sa larangang pang pinansyal ay mas makakapag-ambag sa ekonomiya ng ating bansa. Upang maresolbahan ang isyu, ang pinakamagandang gawing solusyon ay simulan ang pagtuturo ng kaalaman pang pinansyal ng maaga pa lamang, ituro ito ng mabisa sa mga bata.
Isa sa mga halimbawang kinakailangang matutunang maintindihan ng mga Pilipino ay ang isyu patungkol sa inflation rate. Ang inflation rate ay patungkol sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa merkado. Sa kasalukuyan, patuloy ang pagtaas ng presyo ng iba’t-ibang produkto sa bansa. Bilang isang consumer, kailangan na alam natin kung paano natin gagastusin ang ating badyet upang hindi ito agad maubos at masayang. Ito raw ay ang pagbaba ng halaga ng kada dolyar habang pinapataas ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Kinakailangan mo raw matutong maging magaling mag-invest para hindi ka malubog sa inflation na nangyayari.

Tulad nalang daw ng isang kotse. Ang isang kotse raw ay nag dedepreciate (nababawasan ng halaga kapag nalipasan na ng oras at nagamit na) habang ang isang bahay ay nag aapreciate (nadadagdagan ang halaga nito). Kung ang kotse raw ay nag dedepriciate ng halimbawa ng 2% at ang appreciation ng bahay ay 5.4%, pagkat mas malaki ang appreciation ng bahay kung ikukumpara doon sa depreciation ng kotse, hindi ka daw masyadong maaapektuhan ng inflation. Mas maiintindihan ito lalo kung ilalagay natin ito sa isa pang perspektibo. Halimbawa raw ay 2% ang inflation rate ngayon, magiging masama kung mag-iinvest ka raw ng kahit ano kung ang bahagda na babalik sayo sa investment na iyon ay masmababa kaysa sa inflation rate pagkat ika’y nalulugi lamang daw dyan.

Paano nga ba makakatulong ang paggamit ng wikang Filipino upang mas umangat ang rate of financial literacy sa ating bansa? Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, nananatiling mababa ang bilang ng mga financially literate na mga Pilipino. Sinisikap ng iba’t ibang mga ahensiya sa ating bansa gaya ng DepEd, BSP, at iba pa na bawasan ang mga financially illiterate sa ating bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng mga programa upang maituro ang financial literacy at umangat ang bilang ng mga financially literate na mamamayang Pilipino. Kinakailangan din ng pormal na edukasyong pangpinansyal upang makamit ang pagkakaroon ng mataas na bilang ng mga Pilipino ang maging financially literate.
Kaya naman sa aking palagay, ang pagkakaroon ng mga programang tungkol sa financial literacy ay makakatulong sa pagkakaroon natin ng tamang kaalaman sa usaping pinansiyal ngunit sa tingin ko rin ay kailangan nating gumawa pa ng hakbang at ipasok ang paggamit ng wikang Filipino sa pagtuturo ng mga bagay na tungkol sa usaping pinansyal at pagkakaroon ng mga salitang Filipino na isinalin mula sa Ingles ang mga salitang teknikal at jargon sapagkat hindi naman lahat sa mga Pilipino ang nakakaintindi ng lubos sa mga salitang ito. Maaaring kaya mababa ang bilang ng mga Pilipinong mayroong bank accounts dahil hindi nila alam kung paano ang proseso nito. Kahit na ipaliwanag ng mga empleyado ng bangko sa kanila ang mga detalye ay nahihirapan din silang intindihin ito. Ang isyu rin patungkol sa inflation ay hindi lubos naiintindihan ng mga pangkaraniwang mamamayan sapagkat wala silang pormal na edukasyon tungkol dito kaya naman karaniwang iniisip nila ay pagtaas lamang ito ng presyo ng mga bilihin at hindi naiintindihan kung bakit ito nangyayari.
Bilang pagtugon sa mga nasabing suliranin, ang mga ahensya ng gobyerno ay patuloy sa pagsasagawa ng iba’t-ibang programa upang mapalalim ang kaalaman ng bawat indibidwal sa kakayahan pang pinansyal. Kabilang dito ay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), DOF (Department of Finance), Securities and Exchange Commission (SEC), National Credit Council, Insurance Commission, National Anti-Poverty Commission at ang DepEd subalit walang pormal na edukasyon ang nagaganap. Inilahad ang ilang mga sitwasyon na nagpapakita ng kakulangan sa edukasyong pinansyal sa Pilipinas. Ilan sa mga ito ay ang pagkakaroon ng mababang bilang ng mga Pilipinong mayroong account sa bangko kahit na sila ay marunong mag-ipon base sa pag-aaral ng World Bank noong 2014 at base naman sa Standard and Poor’s Ratings srvices survey, 25% lamang ng mga Pilipino ang financially literate kaya naman karamihan sa mga Pilipino ang wala masyadong kaalaman tungkol sa inflation, insurance, risk-diversification, iba’t ibang interes sa bangko at mismong bank savings. Kaunti rin ang nag-iinvest sa stock market at karamihan sa mga Pilipino ay walang pormal na finanacial plan.
Ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay nagsasagawa ng mga iba’t-ibang programa at aktibidad upang linangin ang mga Pilipino sa larangan ng kanilang kaalaman pang pinansyal. Ayon sa Republic Act No. 10922, mandato na ng NEDA ang pagoobserba sa taunang ginaganap na Economic and Financial Literacy Week. Ito ay maoobsebahan tuwing ikalawang linggo ng buwan ng Nobyembre.
Ipinahayag sa batas na sa pangalawang lingo ng Nobyembre ay ”Economic and Financial Literacy Week” para mababatid ng mga pangkaraniwan ang kailangan nila malaman para maging pinansyal na literato. Para hikayatin ang mga tao sa pagiging literato, Ang National Economic and Development Authority (NEDA) ay nauutusan sa ihanda ang Deparment of Financie (DOF), the Department of Education (DepEd), The Commission on Higher Education (CHED) at iba pang department.
Ang wikang Filipino, bilang pambansang wika, ay magsisilbing midyum upang higit na lumalim ang kaalaman ng bawat Pilipino sa larangang pang pinansyal. Ang gampanin ng ating sariling wika ay upang maging daan para sa komunikasyon na kayang maintindihan ng lahat. Dahil nga maraming programang ginagawa ang ating gobyerno tungo sa pagunlad, napakalaking bagay ang gagampanan ng wikang Filipino kung kaya’y lalo itong mapagyayabong at mapapaunlad sapagkat magkakaroon ito ng pagkakataong magamit ng mga Pilipino.
Sa tingin ko ay mas makakatulong rin sa mga mamamayan ang pagkakaroon ng pagsasalin sa mga salita dahil mas matatandaan nila ang mga kahulugan at proseso kung ito ay nakasalin sa ating sariling wika. Maikukumpara ko ito sa larangan na aming pinag-aaralan sa kasalukuyan. Sa kursong akawntansi ay maraming ginagamit na mga salitang jargon ngunit sa aking palagay, kinakailangan ng mga salitang simple at mas naiiintindihan sapagkat ang mga papeles at dokumentong ginagawa ng mga akawntant, gaya ng mga financial statements ay para sa mga users at kabilang na dito ang mga potensyal na investors o mga mamamayan na interesado sa negosyo ng isang kompanya. Kinakailangan nilang lubos na maintindihan ang nilalaman ng mga financial statements at makakapagdesisyon sila ng mas maaayos kung may sapat silang kaaalaman patungkol sa pinansyal. Makakatulong ang paglikha ng mga mas simple at madaling tandaan na salitang katumbas sa Filipino dahil ito ang unang hakbang sa kaalaman patungo sa matalinong pagdedesisyon ng mga mamamayan.

Ang awkawntansi ay simula’t dulo ay usaping pang pinansyal kung kaya’y malaki ang maaaring maiambag nito upang masolusyonan ang nasabing suliranin. Kung pag-aaralan ang awkawntansi, higit na lalalim ang iyong kaalaman sa hindi lamang sa pera kundi pati sa lahat ng kayaman na maaaring mayroon ka.